Pananatiling Ligtas sa Mapanganib na Enerhiya: Gamit ang Pamamaraang Lockout Tagout
Makikita sa iyong lugar ng trabaho ang malalakas na kagamitan na naglalaman ng mapanganib na enerhiya. Maraming anyo ang mapanganib na enerhiya – de-kuryente, pressurized na hangin, mekanikal, kemikal at higit pa.
Kung aksidenteng nabuksan ang isang power switch o naglabas ng nakaimbak na enerhiya kapag malapit sa o nasa loob ng makina ang manggagawa sa oras ng paglilinis, pagtatanggal ng bara o pagmamantene, maaari itong magdulot ng malaking kapahamakan. Pero sa pag-alam ng mga tamang pamamaraan sa kaligtasan, maaari kang manatiling ligtas.
Ano ang Lockout Tagout?
Maaaring sanay kang gumamit ng kagamitan sa trabaho, ngunit maaaring hindi ka sinanay sa pamamaraan sa kaligtasan na tinatawag na “Lockout Tagout.”
Tinitiyak ng LOCKOUT/TAGOUT na kinokontrol ang lahat ng anyo ng enerhiya para mapigilang masimulan, magalaw, o aksidenteng mapatakbo ang kagamitan.
Ang LOCK ay isang pisikal na lock (susi) na pinapanatiling nasa ‘NAKA-OFF’ na posisyon ang kagamitan. Nagbibigay ang TAG ng biswal na babala at impormasyon tungkol sa kung bakit naka-susi ang makina at kung sino ang nag-susi nito.
Mayroong PITONG mahalagang hakbang sa LOCKOUT/TAGOUT.
1. Maghanda para sa pag-shut down: Tukuyin ang lahat ng pinagmumulan ng mapanganib na enerhiya na nagpapatakbo sa kagamitan na kailangang kontrolin. Abisuhan ang mga maaaring maapektuhan ng pag-shut down nito.
2. I-shut down ang kagamitan: I-off ang makina gamit ang karaniwang pamamaraan sa pag-shut down.
3. Ihiwalay ang kagamitan: Tiyaking ganap na nakahiwalay ang kagamitan mula sa alinman sa mga potensyal nitong pinagmumulan ng enerhiya para hindi malabas ang enerhiya at hindi ito magdulot ng pinsala.
Ang gamit sa paghihiwalay ng enerhiya ay isang mekanikal na gamit na pinipigilan ang transmisyon o paglabas ng enerhiya, gaya ng mga switch, valve, at pandiskonekta ng kuryente. Patayin ang lahat ng valve at i-off ang mga pandiskonekta ng kuryente.
4. Kontrolin ang nakaimbak na enerhiya: Dapat tiyakin ng awtorisadong tao na na-block, napakawalan o na-bleed, nailabas at nakontrol ang lahat ng nakaimbak na mapanganib na enerhiya.
5. Ilagay ang Lockout device: Kailangang ilagay ng bawat empleyadong pumapasok sa kagamitan ang isang pisikal na lock sa bawat device sa paghihiwalay ng enerhiya.
6. Beripikahin ang paghihiwalay: Pindutin ang mga start button o i-activate ang mga kontrol para tiyaking ganap na naalis ang enerhiya sa sistema. Kung na-on ang makina o nabigo ang pagberipika nito para sa anumang dahilan, itigil ang trabaho at abisuhan kaagad ang iyong supervisor.
7. I-release ito mula sa Lockout: Bago mo ito i-release mula sa LOCKOUT, tiyaking buo ang kagamitan, nailagay muli ang lahat ng pamprotektang pananggalang, at inalis ang lahat ng tool. Tiyaking wala sa lugar at sa mismong makina ang lahat ng tao, at nasabihan sila na ibabalik ang enerhiya.
Alisin ang lahat ng lock at i-on ang lahat ng pinagmumulan ng enerhiya.
Kung mayroon kang anumang tanong o may nakita kang anumang bagay na hindi ligtas, makipag-usap sa iyong supervisor. Sa pananatiling alerto at may kamalayan, makakauwi ka nang ligtas sa katapusan ng araw.
Puwede mo ring panoorin ang video na bersyon ng Pananatiling Ligtas mula sa Mapanganib na Enerhiya: Gamit ang Lockout Tagout na Pamamaraan.